Thursday, February 10, 2011

PANAWAGAN NG BUKLURAN: HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA NG EDSA BUS BOMBING!

Binalot ng matinding takot ang buong Kamaynilaan sa pagsabog ng isang pampasaherong bus (Newman Goldliner) sa Epifanio De los Santos Avenue (EDSA), Buendia noong Martes, ika-25 ng Enero. Limang (5) sibilyan ang nasawi habang labing-apat (14) naman ang nasugatan. Ayon sa imbestigasyon at mga ulat mula sa ilang international intelligence units ang nasabing serye ng pagsabog ay ini-uugnay sa grupong Abu Sayyaf. Kaugnay nito, nakatanggap din ang kapulisan ng mga banta ng terorismo sa buong Metro Manila isang bagay na nagdulot ng matinding takot at pangamba sa mga mamamayan.

Isa sa limang nasawi sa nasabing trahedya ay si IRISH TENIOLA, taong 2009 nang magtapos siya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa kursong Business Administration. Nakilala si Irish bilang isang masipag na estudyante na nagsumikap upang maitaguyod at masuportahan ang kanyang mga magulang at tatlong kapatid. Ngunit sa isang iglap nawala ang isang mabuti at responsableng tao dahil lang sa mga grupong makasarili, halang ang kaluluwa at may baluktot na pananaw at ideolohiya.

Dahil sa karumal-dumal na pangyayari, na isinabay pa sa paggunita ng kaarawan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, ang Pilipinas ay pangwalo na sa mga bansang pinakamapanganib sa buong mundo [Somalia (1), Pakistan (2), Iraq (3), Afghanistan (4), Palestinian territories (5), Colombia (6), Thailand (7), Yemen (9) at Russia (10)]. Malaki ang epekto nito hindi lamang sa pambansang seguridad kundi maging sa ekonomiya at turismo ng ating bansa. Tila wala na ngang ligtas na lugar sa bansa, maging sa bahay man o sa mga pampublikong lugar, palaging may krimeng naka-amba.

Ang naturang pangyayari, akto man siya ng terorismo o isang simpleng taktika upang ilihis ang publiko sa iba pang malaking isyu gaya ng carnapping, ay mariing kinokondena ng Bukluran. Kami ay nananawagan sa administrasyong Aquino para sa mabilis at epektibong aksyon upang mabigyan ng sapat na hustisya ang mga biktima at pamilya ng mga ito. Samantala, matinding pag-iingat ang dapat na gawin ng publiko upang maiwasan at mapigilan ang anumang klase ng krimen at pag-abuso sa karapatang pantao. Sa mga tagapagtaguyod ng kaayusan at kapayapaan sa bansa nararapat na paigtingin pa ang seguridad upang masupil ang lahat ng uri ng krimen.

by Noliver Falguera Barrido on Friday, January 28, 2011 at 12:08pm (Posted at facebook)

No comments:

Post a Comment