Tuesday, March 15, 2011

Hinggil sa Anomalya sa Pera ng Yearbook: Lumutang at Managot ang Dapat Managot

(Posted at the BSA-ISO website last April 19, 2009)

Abril na naman, ang buwan ng pagtatapos ng mga magaaral mula sa kanilang mga kurso. Ito’y isang yugto ng buhay ng isang estudyante na dapat pahalagahan. Ngunit mukhang hindi lahat ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay magtatapos ng maluwag ang kalooban dahil sa walang kamatayang yearbook na mukhang hindi nanaman maiibibigay. Ano na naman ang nangyari?!

Humigit kumulang kalahating milyon ang nawawala mula sa College of Management and Entrepreneurship na pambayad para sa yearbook. Ang impormasyong ito ay nagmula kay ginoong Petalver na miyembro ng Editorial Board at pangulo din nasabing kolehiyo. Ayon sa kanya ay napasailalim siya sa hipnotismo sa loob ng LRT isang araw at natangay ang lahat ng perang kanyang dala. Ito ay ang perang ibinayad ng mga estudyante ng CME para sa kanilang yearbook. Ngunit nasaan na siya ngayon? Bakit wala man lamang police report o kahit anong katibayan ng nasabing insidente siyang ipinapakita? Totoo nga bang nawala ang pera ng mga estudyante? At bakit lumobo ng ganun kalaki ang pera sa kanya? Ito’y nangangahulugang hindi niya kaagad ibinayad ang pera sa Relans at hinayaang lumaki na ganoon.

Dahil sa pangyayaring ito, marami ang mamomroblema, marami ang madadamay. Isa nanaman pangkat ng mga mag-aaral na magsisipagtapos ang hindi nanaman makatatanggap ng kanikanilang yearbook. May paraan na naiiisip ang ilang nakatataas, ito ay pahabain ang kontrata sa Relans hanggang sa mabayaran ni ginoong Petalver ang halagang kanyang nawala. Ito ay nangangahulugang hindi makukuha, hindi lamang ng mga estudyante ng CME kundi ng buong pangkat ng mga magsisipagtapos ang kanikanilang yearbook hangga’t hindi nababayaran ang nawalng halaga. Ngunit upang hindi madamay ang nakararami, may dalawang paraan. Ang una’y tatanggalin ang buong CME sa yearbook at ang pangalawa nama’y magbabayad ang bawat estudyante ng halagang Php 1,000 upang makuha ang kanilang yearbook. Ang halagang ito ay sinasabing “refundable” o maaarng maibalik sa mga estudyante ngunit ano ang kasiguraduhan nila na ang halagang ibabayad sa kanila ay babalik pa sa mga kamay ng mga estudyante? Ito’y nangangahulugang kahit alin sa dalawang paraan na nabanggit ang piliin ay parehong lugi ang mga estudyante! Hindi makatarungang alisin sa yearbook ang CME sapagkat sila ay bayad! Pumayag ang Relans na maging kinatawan nila si ginoong Petalver kaya kung ang mga estudyante ng CME ay nagbayad sa kanya, nangangahulugang bayad sila sa Relans. Kung may anumalya mang nangyari sa pagitan ng Relans at ni ginoong Petalver ay HINDI DAPAT MASAGASAAN ANG MGA ESTUDYANTE. Ilan din sa mga madadamay ay ang ilang miyembro ng Editorial Board na hindi naman dapat dahil sa pagkakabukod ng kontrata nito sa orihinal na editorial board.

Ang panawagan ng BUKLURAN hinggil sa suliraning ito ay lumutang ang taong responsible dito maipataw ng nakatataas ang karapatdapat na parusa. Nagdesisyon din ang ilang estudyante ng CME na iparating ang suliranin kay Ginoong Tamano at ipahayag ang kanilang pagtutol sa pagbabayad muli ng halagang Php 1,000. Sana lang ay aksyunan kaagad ito ng nakatataas bago pa mamatay ang init ng issue. Anong kasiraan na lamang, hindi lang sa nakatataas kundi sa buong pamantasan, ang maaaring makita kung hindi ito maaayos sa madaling panahon.

Ang pinakamahalaga ay ang kapakanan at mga karapatan ng mga estudyante kung kaya’t hindi makatarungan na pagbayaring muli ng anumang halaga ang mga ito sapagkat, sa ano pa mang dahilan, sila ay bayad na.*

*This is the statement released by Bukluran Student Alliance regarding the CME Yearbook Anomaly. A signature campaign among the graduating students of the College of Management and Entrepreneurship was done by Bukluran members on their Graduation Day. They were able to gather about a hundred signatures and BSA-ISO President Noliver F. Barrido personally gave the said document to PLM President Adel Tamano during his turn at the stage on the said Commencement Exercise.

No comments:

Post a Comment