Pagkatapos kong mapanood ang kwento nina Sarah, Abigail at teacher Allan sa BRIGADA, may guilt akong naramdaman sa aking sarili. Mas masuwerte pa pala ako kaysa sa milyon-milyong kabataang Pilipino. Marami pa lang bagay na dapat kong ipagpasalamat noong nag-aaral pa ako sa elementarya, high school at hanggang sa makatapos ako ng kolehiyo. Mga bagay na hindi ko noon napapansin at madalas ko na lang ipinagwawalang bahala. Mga bagay na iniisip kong simple, maliliit at walang gaanong halaga.
Si Sarah ang valedictorian sa Yugno Elementary School sa San Andres, Quezon. Labing dalawa lamang silang nagtapos sa isang eskwelahan na may 88 mag-aaral lamang at dating kuta ng mga rebelde. Sa loob ng 6 na taon gasera lamang ang gamit ni Sarah sa pag-aaral dahil hindi pa naaabot ng kuryente ang kanilang komunidad. At sa loob din ng 6 na taong iyon ng kanyang pag-aaral ay nilalakad lamang niya sa loob ng 2 oras ang matarik, maputik, malubak, mabato at madulas na daan patungong eskwelahan. Pangarap niyang maging guro para makatulong sa mga kabataan sa kanilang lugar. Repleksyon marahil ng mga karanasan niya sa pag-aaral kaya ito ang napili niyang maging propesyon sa hinaharap.
Si Abigail ang loyalty awardee sa kanilang klase. Tatlong bundok ang kanyang dinaraanan araw-araw papuntang eskwelahan. Tatlong beses ang hirap na kanyang dinaranas kumpara kay Sarah. Nang tanungin siya ni Theresa Andrada kung ano ang natutunan niya sa eskwelahan at kung bakit ganoon na lamang kanyang pagpupursige sa pag-aaral ang kanyang sagot ay para sa pagkamit ng kanyang mga pangarap.
Si teacher Allan ay halos 3 oras na naglalakad papuntang eskwelahan. Marami na raw siyang co-teacher na nagpalipat sa bayan dahil hindi na kinaya ang araw-araw na paglalakad sa nakakapagod at peligrosong daan. Para sa kanya isang malaking personal na tagumpay ang kanyang pagpiling manatili na maging guro sa Paaralang iyon.
Bigla kong naisip, paano kaya sina Sarah, Abigail at teacher Allan kapag inabutan ng ulan habang papasok sa eskwelahan o kaya kapag inabutan sila ng dilim pabalik sa kanilang mga tahanan. Paano kapag umapaw ang ilog? Paano sila umuuwi gayong walang ilaw sa kanilang mga dinaraanan? Nakatitiyak akong sa mga ganoong sitwasyon tatlong ulit ang panganib at hirap na kanilang dinaranas sa paglalakad sa daang pinagkaitan ng pamahalaan ng maayos na kalsada. Marahil tama nga ang konklusyong kaya 12 lamang ang nakapagtapos sa klase nila Sarah ay dahil sumuko ang karamihan ng kabataan dahil sa hirap ng buhay at sa tindi ng sakripisyo para maabot ang edukasyon na kanilang kailangan. Edukasyong hindi sapat, hindi kayang abutin, hindi kayang makamtan, lalo na ng mga pamilyang pagkain pa lang sa hapag hirap nang makamit, pag-aaral pa kaya.
Ngayon ay napagbaliktanaw ko na noong nasa elementarya pa lang ako ay naihahatid pa kami ng kotse, noong high school isang tumbling ko lang gate na ng eskwelahan at noong college ay maraming jeep at taxi na pwedeng masakyan. Kumpleto ako ng gamit, branded ang aking bag at sapatos, maayos ang uniform, may cellphone at laptop, nakakasama sa fieldtrip, may pambili ng mamahaling libro, at may access sa mga bagay na kailangan sa maayos at may kalidad na pag-aaral. Samantalang sina Sarah at Abigail ni kuryente hindi pa nakakaranas. Ilang Sarah at Abigail sa Pilipinas ang ni hindi nga siguro nakakaalam o nakakakita sa mga bagay na nabanggit ko. Mga bagay na tila hanggang sa pangarap na lang nila makikita at mahahawakan.
Bagamat lumaki ako sa hirap, hindi katulad ng kahirapang dinaranas ng mga kabataan sa Yugno at sa iba pang lugar sa bansa na hindi pa nararating ng sibilisasyon. Ang masaklap pa rito, sa mga mumunting kaginhawaan na natamasa ko sa mga taon ng aking pag-aaral ay hindi man lang ako nakakapagpasalamat sa Poong Maykapal. Madalas pa akong nagrereklamo sa mga bagay na mayroon ako at naghahanap sa mga bagay na hindi naman gaanong mahalaga. Yon pala may ibang mga tao na ang bawat maliliit na bagay na aking winawalang bahala ay siyang mga bagay na pinakainaasam nila. Naalala ko tuloy ang kasabihan tungkol sa taong hindi nakuntento sa kanyang sapatos hanggang sa makakita siya ng taong walang paa.
Kung paghahambingin kami ni Sarah noong nasa elementarya pa ako, hindi hamak na mas nakaaangat ang aking kasanayan at talino dala ng moderno at mataas na antas ng edukasyon na naibibigay sa akin noon. Subalit kung determinasyon at pagsisiskap ang magiging sukatan ng tagumpay wala pa ako sa kalahati ng mga napatunayan nina Sarah at Abigail sa kanilang mga sarili. Milya-milya ang agwat nila sa akin. Nahihiya tuloy ako sa aking sarili. Wala pala akong dapat ipagmalaki dahil ang bawat tagumpay ko sa buhay estudyante ay madali kong nakamit kumpara sa dalawa.
Sapatos ang regalo kay Sarah ng kanyang tatay para sa kanyang pagtatapos. Hindi magtatagal mapupudpod din ito sa pag-akyat baba niya sa bundok. Mapuputikan ang sapatos at maluluma agad hanggang sa tuluyang masira habang binabagtas niya ang malubak, maputik at mabatong daan ng kahirapan at korapsyon. Kailan kaya makakalakad sina Sarah, Abigail at teacher Allan sa sinasabing matuwid na daan ni Pangulong Aquino?
No comments:
Post a Comment