1. Abonado.
Dahil handa siyang magwaldas ng sariling pera para sa ikagaganda at ikatatagumpay ng kanyang proyekto o programa. Madalas hindi na naibabalik ang mga inabono niya pero okay lang sa kanya dahil ang mahalaga ay ang kapakanan ng iba.
2. Updated.
Dahil kaakibat ng kanyang social responsibility ang lubos na kamalayan sa mga nangyayari sa lipunang kanyang kinabibilangan. Ang pagiging updated sa national events at issues ay repleksyon ng pagkakaroon ng malalim at malawak na pananaw at kamulatan sa mga bagay na nakaaapekto sa pansariling buhay.
3. Haggard.
Dahil madalas siyang pagod at stressed sa sobrang dami ng kanyang ginagawa at pinagkakaabalahan. Takbo dito. Takbo doon. Magulo ang buhok at pinagpapawisan. Wala siyang pakialam sa kung ano ang itsura niya ang mahalaga matapos ang kanyang ginagawa.
4. Hindi GC.
Dahil para sa kanya hindi sukatan ng totoong talino ang grado. Mabigat ang responsibilidad na nakapatong sa kanyang mga balikat. Madalas nasasakripisyo ang kanyang pag-aaral subalit isa siya sa magagaling sa klase kung mabibigyan lamang ng sapat na panahon, pagkakataon at konsiderasyon upang makabawi sa mga pagkukulang niya.
5. Obsessive-Compulsive.
Dahil ayaw niya sa salitang "puwede na" at mga gawang hindi pulido at hindi pinag-isipan. Matalas ang kanyang mga mata hanggang sa pinakamaliliit na detalye. Siya ay magaling na kritiko. Parati niyang pinauulit ang isang bagay hanggang sa ito ay maging perpekto.
6. May Pinipiling Side.
Dahil alam niyang lahat ng gumigitna ay nasasagasaan at sa lahat ng isyu dapat may pinaninindigan at pinapaniwalaan. Oo o hindi lang, walang depende. Madalas kinakalaban niya ang mga popular na pananaw. Siya ang palaging humihindi kahit ang karamihan ay oo sapagkat alam niyang hindi nakikita sa bilang ang katotohanan.
7. May Ulcer.
Dahil madalas siyang nalilipasan ng gutom sa sobrang dami ng kanyang ginagawa at pinupuntahan. Madalas kapag niyayaya siyang kumain ang sasabihin niya ay mamaya na lang hanggang sa nakakalimutan na niya. Patikim-tikim at painum-inom na lang sa kanyang mga kasamahan habang tinatapos ang kanyang ginagawa.
8. Bibo.
Dahil kailangan niya ng common sense, matabang utak, kritikong pananaw, mataas na IQ at nag-uumapaw na energy sa mga desisyon at bagay na kanyang ginagawa. Ang magaling na estudyante lider palaging aktibo sa pagvovolunteer, palaging nagtatanong, at palaging nagkokomento lalo na sa mga meeting at seminar.
9. Makapal ang Mukha.
Dahil iba-ibang klase ng tao ang kanyang hinaharap, kinakausap at pinakikitunguhan. Walang mapapala ang isang estudyante lider na mahiyain at nerbiyoso. kasing tibay ng kanyang mukha ang kanyang sikmura sa mga hindi magagandang bagay na sinasabi sa kanya ng mga tao sa kanyang paligid.
10. Mabilis Magtrabaho.
Dahil mahalaga sa kanya ang bawat oras at may schedule siyang sinusundan. Madalas natatapos niya ang isang gawain bago pa man ang deadline. Kasing bilis ng kanyang pagtatrabaho ang paggalaw ng kanyang brain cells sa mga bagay na kailangang pagdesisyunan.
11. Karismatiko.
Dahil kailangan niya ito sa pagpapasunod ng mga tao. Makatutulong din ito sa pagkuha ng mga pabor o bagay na kailangan niya. Madalas ginagamit ang ganda ng personalidad at maging ang alindog sa mga panahong kailangang kailangan nang hindi nagmumukhang cheap o mababa.
12. Pudpod ang Sapatos.
Dahil marami siyang pinupuntahang lugar. Maraming taong kailangan niyang makausap. Madalas excuse siya sa klase dahil sa mga meeting, seminar, forum, training at mga aktibidad na nangangailangan ng kanyang presensiya. Kasing bilis na kanyang pag-iisip ang kanyang paglalakad.
13. Late.
Dahil siya ang pinakahuling pumapasok sa room. Papasok lang siya kapag may propesor na. Kapag wala pa, may iba siyang pagkakaabalahan o pupuntahan. Kahit nga nagkaklase madalas siyang pumupuslit para pumunta sa ganito o ganoong lugar. Pagkatapos ng klase, siya naman ang pinakaunang lumalabas at patakbo pa ang kanyang paglalakad.
14. Madalas Single.
Dahil no time for love siya. Alam niya ang kanyang priority. Kung mayroon man siyang karelasyon madalas nauuwi sa hiwalayan dahil wala na siyang panahon para dito o di kaya kapwa estudyante lider din ang kanyang partner.
15. Artista.
Dahil may mga emosyong dapat sinasarili na lang, may mga taong dapat pakisamahan nang maayos gaano man ka hindi gusto at may mga karakter na di dapat ipinapakita sa publiko. Sapagkat mahalaga ang impresyong nakikita ng tao, kailangan itong pangalagaan.
16. Ma-PR.
Dahil kailangan niyang matutunan ang tamang paglalaro ng mga salita, interes at emosyon ng tao upang epektibong mahikayat ang mga ito sa mga bagay na gusto niyang mangyari. Kailangang may sense of humor siya at madaling lapitan. Inilalagay niya sa tamang lugar ang pagiging seryoso.
17. Mabilis Magreply.
Dahil palagi niyang hawak ang kanyang cellphone sa sobrang dami ng kanyang kailangang makausap. Madalas napupunta sa load ang kanyang pera. Siya ang tanungan kung may pasok o wala, saang room, anong oras klase, at sa samu't saring mga bagay-bagay.
18. Kuripot.
Dahil alam niya kung paano pahalagahan ang bawat singkong ibinabayad ng estudyante. Gusto niyang mapunta ang kaban sa tama at wastong pagkakagastusan. Mahigpit siya sa pag-aapruba ng budget proposals maging sa paglalabas ng pera. Galit siya sa mga magnanakaw.
19. Aktibista.
Dahil alam niya kung kailan susunod o tututol. Wala siyang kinatatakutan dahil alam niya kung ano ang tama at kung saan siya lulugar. Hindi siya nananahimik sa tuwing may karapatang naaapakan dahil para sa kanya ang pananahimik ay repleksyon ng pagpapa-ubaya. Handa niyang dalhin ang pakikibaka sa lansangan kung kinakailangan.
20. Role Model.
Dahil sinisimulan niya sa kanyang sarili ang mga pagbabagong gusto niyang makita sa mundo sa pamamagitan ng pagiging responsable at disiplinado at pagkakaroon ng walang dungis na kredibilidad, solidong integridad at kahanga-hangang karakter.
No comments:
Post a Comment