May dalawang pamangkin ako dito sa bahay. At sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, ang hirap nilang patulugin sa tanghali. Kailangan munang magdeklara ng batas militar para sila sumunod. Ang santong dasalan nauuwi sa santong paspasan.
Ganoon din ang mga pamangkin ko sa Laguna. Sobrang hirap din patulugin. Naalala ko tuloy nung bata pa ako. Hindi rin ako natutulog sa tanghali. At alam ko, marami rin sa bawat pamilya ang may mga batang ayaw matulog sa tanghali.
Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung bakit ayaw matulog ng mga bata sa ganoong oras. Kung tutuusin katatapos lamang niyan kumain at inaasahan na ang taong busog ay dadalawin ng antok. Kaya nga sa eskwelahan at opisina sobrang nakakaantok ang tanghali.
Naalala ko noong nasa hayskul pa ako, natapat ang English subject namin tuwing tanghali. Kaya karamihan sa aming klase ay natutulog, nakakatulog o di kaya ay nagpipigil makatulog. Marami sa amin (kasama ako) ang “masan” at “mapapi”. Masandal tulog. Mapapikit tulog. Walang magawa ang aming teacher (kahit pa siya ay terror) dahil halos buong klase talaga ang inaantok kaya ang oras talaga ang may kasalanan. Madalas ay nagtatawag siya para magising ang diwa namin. Pero madalas ang natatawag ay wala sa tamang ulirat, hindi alam kung ano ang tinatanong dahil tulog, kaya ang gagawin ng iba ituturo na lang ang sasabihin.
Kapuna-puna sa mga opisina, lalo na sa gobyerno, na tuwing lunchtime ay pinapatay ang ilaw at kanya-kanyang tulog ang mga tao. Gigising na lang kapag 1:00pm na. Siguro nga ganun talaga ka nakakaantok ang tanghali.
Subalit sa mga bata, tila walang epekto ang kaantukang dala ng katanghalian. Siguro dahil mainit ang panahon. Siguro dahil masyadong maligalig at magaslaw ang mga bata kaya puro paglalaro ang inaatupag. Siguro dahil may mga hadlang gaya ng telebisyon o computer games. O siguro sadyang nasa sikolohiya na lang talaga ng mga bata na ang pagtulog ay sa gabi lamang.
Nang tanungin ko ang aking 7 taong gulang na pamangkin kung bakit ayaw nilang matulog sa tanghali, ang sagot niya ay dahil mainit daw sa Maynila hindi tulad ng bahay nila sa Bulacan na malamig. Maingay din daw kaya hindi sila makatulog. At dahil natutulog naman daw sila sa gabi kaya okay lang na huwag matulog sa tanghali. Siguro nga tama siya. O baka imbento niya lang ang mga dahilan na yon dahil alam kong hindi rin sila natutulog sa mismong bahay nila tuwing tanghali. Pwersahan din ang pagpapatulog sa kanila doon.
Sabi nga ni Bob Ong:
“Bakit ba ayaw matulog ng mga bata sa tanghali? alam ba nilang pag natuto silang umibig e hindi na sila makakatulog kahit gusto nila?”
Sana balang araw ay malaman ko ang totoong dahilan kung bakit ayaw ng mga bata matulog sa tanghali.
terima kasih
ReplyDelete