Enough of the Willie Revillame and Jan-jan issue.
Masyado ng nakakaumay at nakakaalibadbad ang paulit-ulit na pagbabalita, pag-uungkat at pagpapalaki sa isyu ng March 12 Willing Willie episode. Bagamat isa ako sa mga pinakaunang kumondena sa nasabing pangyayari, naniniwala ako na hindi dapat pinalaki at ginatungan ang isyung ito.
Huwag tayong magbulag-bulagan sa katotohanang masyadong pinulitika si Willie at ang kanyang show para tuluyang mawala sa ere. Alam naman natin ang alitan sa pagitan niya at ng Kapamilya network na umabot hanggang sa korte. Gayundin ang sama ng loob ng Pamilya Aquino sa kanya dahil sa kanyang mga sinabi noon sa Wowowee sa araw ng kamatayan ni dating Pangulong Cory Aquino. Maging ang pangangampanya niya para kay Manny Villar noong May 2010 Presidential Elections. Masasabi kong there’s so much politics behind this undying controversy.
Maling-mali ang nangyari subalit bakit kailangang humantong sa paggawa ng fan pages na kinokondena o lantarang sinisira ang pagkatao ni Willie. Maging ang mga sponsor ng kanyang show ay nagsipagpull-out din ng sponsorship. Sino ba ang apektado dito? Si Willie ba? O ang mga mahihirap na nabibigyan ng tulong ng kanyang programa?
Sana ay gumawa din ng hate pages laban kay Rosanna Roces noong sabihin niya sa Showtime na dapat murahin ang mga teacher. O kaya kay Joey de Leon na nagsabing mukhang aswang si Pokwang. Ano ang pagkakaiba ng tatlo samantalang pare-pareho nilang sinasaklaw at pinapakita ang pang-aabuso sa dignidad ng isang tao?
Naniniwala ako na pakikisawsaw na lang ang ginagawang pagtitweet ng mga artista at ang pagpapapress release ng iba’t ibang sektor para lang maibalita, mainterview at mapag-usapan sila. Ano ba ang mga naitutulong nila para sa mga mahihirap?
Kung totoong gusto nilang maging maayos ang lahat dapat ang nangyari ang kinokondena, hindi ang mga tao. Sabi nga sa Orosa-Nakpil, Malate hate ni teacher Claire ang cheating pero hindi ang cheaters. Kung tutuusin ay malaki rin naman ang pananagutan ng tatay at tiyahin ni Jan-jan na siyang mismong nagturo ng sayaw sa bata. Subalit maliwanag pa sa sikat ng araw na lahat ng sisi ay napunta kay Willie.
Hindi ako maka-Willie. Ang sa akin lang, sa mga nangyari ay pinapalabas ng lipunan na sukdulan ang kasamaan ni Willie. Hindi man lang naisip ng lahat na hindi siya perpektong tao at kahit papaano ay mabuting tao rin naman siya. Marami na siyang natulungan at napasaya magmula pa noong Magandang Tanghali Bayan, Wowowee, Willingly yours at iba pa niyang mga naging programa.
Sana maging bukas ang isip ng lahat at hindi lang negatibong panig ang tingnan at paniwalaan. Magsilbing aral ang mga nangyari subalit huwag gamitin sa pamumulitika. Kung patuloy nating huhusgahan si Willie, ano na lang ang ipinagkaiba natin sa mga maling ginawa niya?
No comments:
Post a Comment