Tuesday, May 1, 2012

MATIGAS NA ULO NI JUAN DELA CRUZ

JAYWALKING.

Hindi sumusunod sa tamang tawiran. May nakalagay na ngang bawal tumawid dahil may namatay na sa lugar, tawid pa rin ng tawid. Hindi naman ilalagay ang mga ganoong karatula kung hindi accident prone ang kalsada. Pero dahil sa katamarang gumamit mg footbridge o overpass ay mas pinipili ang makipagpatintero kay kamatayan. Sa isang iglap bigla na lang may titilapon sa kalsada. Basag ang bungo. Labas ang utak. Pisak ang katawan. Tuloy imbes na makapunta sa pupuntahan, sa morge ang kahahantungan.

 HINDI PAGSUNOD SA TRAFFIC LIGHTS.

Kahit naka-GO light, kakaripas pa rin ng tawid. Hindi man lang makapaghintay ng kahit sandali na tila ba mas mahalaga pa ang makatawid agad kaysa sa sariling buhay. Ipagpapalit ang isang minutong paghihintay kapalit ng disgrasya at kamatayan. Gaano ba kahirap ang maghintay?Ganoon ba kaimportante ang pupuntahan at kailangang isakripisyo ang buhay?O sadyang tamad at walang disiplina lang talaga tayo?

 HINDI PAGGAMIT NG HELMET.

Marami sa mga aksidente sa kalsada ay kinabibilangan ng mga motorsiklo at madalas namamatay ang mga naaaksidente dahil walang suot na helmet. Mabuti sana kung mabagal lang magpatakbo. Pero paano kung kumakaripas at kung masagi ng ibang sasakyan? Kadalasan ang hilig-hilig mag-angkas ng buong pamilya na pawang mga walang helmet. Bawal na nga ang sobra-sobrang pag-angkas, mga wala pang helmet na suot. Kinatatamaran ang pagbili ng isang bagay na napakahalaga para makabiyahe ng ligtas at maayos.

 HINDI PAGGAMIT NG SEATBELT.

Gaya ng hindi paggamit ng helmet, madalas ding winawalang bahala ng mga motorista ang paggamit ng seatbelt. Tila hindi nila alam ang kahalagahan nito kung sakaling magkakaroon ng aksidente sa daan. Ilang segundo lang naman ba para ikabit ang sinturong pangkaligtasan at animo’y kinatatamaran ng karamihan? Hindi naman ito nakakapagbigay ng anumang discomfort sa katawan subalit bakit hindi ginagamit?

 KASKASERO.

Kasing bilis ng pagmamaneho ng sasakyan ang pagbiyahe sa daan patungong kamatayan. Mabuti sana kung yong sasakyan lang at mga sakay nito ang maaaksidente. Paano kung may madamay na pedestrian o kaya ay makabangga ng kapwa motorista na responsable naman sa pagmamaneho. Ano ba kasi ang ipinagmamadali ng mga tao samantalang alam naman nila kung gaano kapeligroso ang pagiging kaskasero.

 PAGMAMANEHO NG LASING.

Kung yon ngang normal hindi nakakaligtas sa posibilidad na maaksidente yon pa kayang lango sa espiritu ng alak at wala sa tamang kaisipan. Isa sa maraming dahilan ng mga aksidente sa daan ang pagkakatulog sa biyahe ng mismong drayber, hindi pagiging alerto at kawalan ng malinaw na paningin bunsod ng kalasingan. Kung alam nang hindi kaya wag nang magpumilit pa dahil digrasya lang ang aabutin. Buti sana kung makaligtas ka pa.

 FIRECRACKERS.

Taun-taon hindi nawawalan ng pasyente ang mga ospital tuwing kasagsagan ng bagong taon. Tila walang epekto ang edvertisements sa telebisyon at mga balita na nagpapakita ng mga kalagayan ng mga naputukan. Hangga’t hindi napuputulan ng daliri, kamay, paa, o kaya nabubulag ay hindi magtatanda lalo na ang mga bata. Mabuti sana kung paputok lang ang ginagamit, pero hindi. Marami rin ang namamatay dahil sa mga ligaw na bala.

No comments:

Post a Comment