Tuesday, May 1, 2012

Hablot Capital of the Philippines

Wala ng tatalo sa Pedro Gil kung snatching ang pag-uusapan…

Kanina noong nasa jeep ako bandang Taft, may dalawang ateng nasa hilera ko. Mapopustura. Mukhang mayayaman. Nakalabas ang mamahaling phone nung isa. They were chatting. And it seems na hindi nila kabisado ang lugar.

I was looking at ate’s earring (the one with expensive phone at naka-earphone pa). I am checking kung gold ba o something of value. And then I thought, mukhang hindi naman kasi pearl siya. And so narelieve ako.
But then I saw her necklace, silver with a nice pendant. Gotcha! Pwede siyang mahablutan…

Sinigawan ko siya:

“Ate yong kwintas mo alisin mo baka mahablot, maraming snatcher dito!”

Naaligaga siya. Nataranta. Itinakip ang mahabang buhok sa leeg para maitago ang kwintas. Itinago ang phone sa purse. May dumaan kasi sa bintana ng dyip na gusgusing teenager. He’s obviously surveying from jeepney to jeepney. Looking for potential victims.

Thank God. Walang nabiktima sa jeep namin.

The other day, same place, from P. Faura to P. Gil, nahablutan ng hikaw ang katapat kong babae. Gold kasi ang hikaw niya. Naakit ng kinang nito ang mga matanglawin ng kalsada. Isa lang ang nakuha.

Ilang beses ko ng napapanood ang ganoong senaryo sa Pedro Gil. Kapag may mga naglalakad habang nakahinto ang jeep, kailangan maging alisto. Kapag may nakasabit sa jeep, asahan mo tinitingnan na ang loob ng jeep kung sino ang pwedeng hablutan ng alahas o cellphone.

Bata, matanda, wala silang pinipili. Ang mahirap pa dito ay kapag nasasaktan ang babae. Napupunit ang tenga. At ang masakit, parang wala lang sa mga magnanakaw. Ni hindi nga tumatakbo. Naglalakad lang na parang walang nangyari. Nakakairita. Nakakainis. Nakakabwisit. Bakit? Dahil wala silang kinatatakutan.

Is it the worst?

NO.

Ang pinakamatindi ay ang nanghahawak ng boobs ng babae. Isang bagay na mas masakit maranasan kaysa manakawan ng isang bagay.

Walang manghahablot kung may police visibility…
Walang manghahablot kung walang mga palaboy…
Walang manghahablot kung pinatutupad ang batas nang tama…
Walang manghahablot kung walang kahirapan…

Isang aral sa akin ang itinuro ng kalye ng Pedro Gil: Ang maging alisto, mapagmasid at maingat. At higit sa lahat, ang maging concerned para sa kaligtasan hindi lang ng sarili kundi pati ng kapwa.

Ang Eleksiyon ay Isa Lamang Ilusyon na may Demokrasya

Patuloy na pinapatay ng political dynasty sa bansa ang pag-asa na makaahon tayo sa kumunoy ng kahirapan. Ang pagkaganid at matinding paghahangad sa kapangyarihan, katanyagan at kayamanan ng mga buwayang angkan ang nagbigay daan upang maiukit at maimbento sa kasaysayan ang salitang korapsiyon.

Mga magkakamag-anak lamang ang nagpapalitan sa mga pinakamatataas na puwesto sa mga lokal at maging sa mataas na pamahalaan. Sa ganitong kalakaran kontralado ng iilan ang paggulong at paggasta ng pondo ng bayan, walang bumabatikos sa anumang katiwalian, naitatago at natatakpan ang anumang anomalya at iregularidad at ang anumang ginagawang pampulitika at pang-ekonomikong polisiya ay pumapabor sa mga nasabing pamilya at sa kanilang pananatili sa puwesto.

Kung titingnan ang estado ng edukasyon, kalusugan, kabuhayan, imprastraktura at iba pang pangunahing pangangailangan, nag-uumapaw sa pagdarahop, kakulangan at kabulukan. Nakapanlulumo na sa dami ng naglalakihang mansyon, magagarang sasakyan at milyones na ari-arian ng mga angkang ito ay pinagdamutan ng pag-asa at karapatan sa disenteng pamumuhay ang mga taong nagluklok sa kanila sa pamahalaan.

Sa kabila ng ilang dekadang pamumuno at paghahari-harian ng mga kapit-tukong pulitiko at kanilang mga angkan, walang nagbago sa antas ng pamumuhay ng kanilang nasasakupan. Bagkus lalong nasadlak ang taumbayan sa kahirapan at ang pondong nakalaan para sa mamamayan ay kinamkam at ibinulsa ng mga hunyango at buwaya.

Tuwing eleksiyon, sila-sila ulet ang kumakandidato kaya wala namang mapagpilian ang taumbayan. Kung mayroon man ay gagamitan ng impluwensiya at pera ng mga kasalukuyang nakaupo upang sila ulet ang maupo sa trono. Dahil sa kawalan ng edukasyon ay madaling nalilinlang at nahihimok ang mga tao upang sila ay muling ilagay sa puwesto. At magiging siklo na lamang ang pagpapakasasa ng mga angkang ito sa sarap at ginhawa habang ang mga komunidad ay walang malinis na tubig, walang kuryente, walang kalsada, walang eskwelahan, walang pagamutan, at walang kahit anumang pag-asang makaahon sa hirap.

Bagamat sinasabing ang eleksiyon ay repleksiyon ng demokrasya, dahil sa political dynasty naglaho ang konseptong ito. Sa isang bansang ang korapsiyon at katiwalian ay isang kultura at ang kapangyarihan sa gobyerno ay tila bolang pinagpapasa-pasahan lang ng iilan, ang eleksiyon ay nagiging isa na lamang ilusyon na sa ating bansa ay may demokrasya.

Death Penalty para sa mga Korap

Dapat ibalik sa Pilipinas ang death penalty subalit hindi lamang sa mga nakagagawa ng matitinding krimen gaya ng pagpatay at pang-aabusong sekswal kundi maging sa mga korap sa gobyerno. Maraming namamatay dahil sa kahirapan ng buhay at iyon ay dahil sa korapsiyon.. Kung hindi ninanakaw ang pera ng gobyerno maraming pangunahing pangangailangan ang maibibigay.
  • Kung walang korapsiyon, milyong buhay ang maililigtas dahil may sapat na programa sa kalusugan, may health centers sa bawat barangay, may maayos na ospital at may sapat na suplay ng gamot, nurse at doktor.
  • Kung walang korapsiyon, milyong buhay ang maililigtas dahil may maayos na kalsada, tulay at transportasyon kaya mabilis naisusugod sa pagamutan ang mga maysakit.
  • Kung walang korapsiyon, milyong buhay ang maililigtas dahil may sapat at disenteng hanapbuhay ang mga mamamayan kaya’t walang kakapit sa patalim at lalahok sa maruming hanapbuhay.
  • Kung walang korapsiyon, milyong buhay ang maililigtas mula sa gutom, malnutrisyon, pagkakasakit at pagpapatiwakal dahil sa hirap ng buhay.
  • Kung walang korapsiyon, milyong pangarap ang matutupad dahil may sapat na kalidad ng libreng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo para sa maralitang kabataan.
  • Kung walang korapsiyon, milyong buhay ang magkakaroon ng maayos, maginhawa at disenteng pamumuhay dahil bawat komunidad ay mayroon ng sapat na patubig, kuryente, kalsada, tulay, transportasyon, komunikasyon at iba pa.
  • Kung walang korapsiyon, wala ng titira sa ilalim ng tulay, gilid ng ilog at estero, tabi ng riles, at sa mga lugar na hindi kaaya-ayang panirahan.
  • Kung walang korapsiyon, milyong tao ang magkakaroon ng dignidad dahil walang maglalako ng sariling laman, walang magtitinda ng laman loob at mga bahagi ng katawan at iba pang nakakababa ng moral na hanapbuhay.
Datapwat ang korapsiyon ay isang matinding krimen na pumapatay sa maraming buhay. Dahil may korap, may mahirap. Dahil may mahirap, may namamatay. Sa isang ordinaryong krimen kaunting bilang ng buhay lamang ang pinag-uusapan subalit sa korapsiyon libu-libo at milyun-milyon ang apektado. Bagkus, dapat bitayin ang mga korap sa gobyerno upang wala ng maghirap at tumaas ang kalidad ng ating pamumuhay.

Ang Moralidad sa Mundo ng Showbiz

Tila bahagi na ng kultura ng Philippine showbiz industry ang palitan ng mga asawa. Ang mga fairytale na pag-iibigang madalas ay nauuwi sa hiwalayan. Dumadagsa ang mga aktres na may mga anak sa iba-ibang ama. Naglipana ang mga anak sa labas at mga anak sa pagkabinata at pagkadalaga. Ang paglilive-in ay tila nakaukit na sa kamalayan at ang mga sirang pamilya ay pangkaraniwan na.

Kapuna-puna na ang pagpapalit ng kasintahan ng mga artista ay animo pagpapalit lang ng underwear. Sweet ngayon, away na bukas. Magiging abala daw sa mga kanya-kanyang career. Manlalamig sa isa’t isa. Magkakaroon ng third party. Magiging headline ng balita ang hiwalayan. May magpapainterbyu sa talk shows at magpapaawa sa publiko. Mabibigyan ng simpatya dahil mukhang aping-api. Sa susunod na linggo, laman ulet ng headline dahil may bago na raw pag-ibig. Ang dating paiyak-iyak dahil sa break-up, may bago na naman.

Sa ganitong kalakaran, parang ang hirap nang malaman kung mayroon pa nga bang sinseridad, totoong pagmamahal at respeto ang mga relasyon sa showbiz. Kaya nga siguro naimbento ang expression na “showbiz na showbiz”. Tila gumagawa na lang ng eksena at ingay ang mga artista para mapag-usapan. Sinasalamin na nila ang pagiging syota ng bayan. Ganoon ba talaga kapag magaganda?Kailangang matikman ang isa’t isa?

Mas masalimuot ang usapin ng mga artistang may mga anak kay ganito at mga anak kay ganoon. Mga aktres na akala mo mauubusan ng lalaki sa mundo. At mga aktor na ginagawang hobby ang pagpupunla ng semilya sa iba’t ibang obaryo. At sa paglaki ng kanilang mga anak ay ganoon din ang sasapiting kapalaran sapagkat iyon ang kinamulatan.

Maraming aktres na ang nabuntis sa pagkadalaga at ang masaklap dito ay hindi pinanagutan ng kanilang karelasyon. Walang matrimonya o kahit live-in man lang. Tanging pinansyal na suporta at presensya ang binibigay sa mga anak. Dumarami tuloy ang mga batang hindi buo ang pagkatao. At ang mga iniwang dalagang ina? Maghahanap ng kapwa artista, pulitiko o kaya ay negosyanteng mapapangasawa na siyang masasandalan sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa pagkadalaga at kapusukan.

Ang mga ganitong senaryo at kuwento ng mga magkakarelasyon sa showbiz ay pinagpipyestahan ng taumbayan. Nagiging laman ng tsismisan ng mga karaniwang tao na akala ay tama at normal lamang ang mga ito. At dahil sa tila pangkaraniwan na lamang ang mga mashowbiz na relasyon at hindi naman kinokondena ng Simbahang Katoliko, ito ay nagiging katanggap-tanggap na sa lipunan. Hindi ako magtataka kung darating ang panahon na ang mga ganitong kondisyon ang siyang magiging pamantayang moral ng mga taga showbizlandia.

Ang Mousetrap

by Jarius Bondoc in his column Sapul, Pilipino Star Ngayon

MULA sa butas sa dingding ng bahay, sinisilip ng daga kung ano’ng pagkain ang nasa kahon na inuwi ng magsasaka sa misis. Nabahala siya nang makita na hindi pala kakanin, kundi panghuli ng daga, ang laman.

Dali-dali tinungo niya at binalitaan ang manok sa bakuran: “May mousetrap sa bahay.” Sagot sa kanya ng manok: “Gan’un ba? Tiyak, ikaw ay mag-aalala, pero e ano sa akin kung may mousetrap?”

Nababahala pa rin tinungo ng daga ang baboy sa tangkal. “May mousetrap sa bahay,” ibinalita niya. Patuloy lang ngumuya ang baboy bago sumagot: “E ano sa akin kung may mousetrap? Baboy naman ako.”

Tinungo ng daga ang baka sa pastulan para sabihan din tungkol sa mousetrap. Gan’un din ang sagot, balewala sa baka ang balita.

Kinagabihan ding ‘yon, kumalabog ang mousetrap. Bumangon ang misis at inalam kung ano ang nahuli. Ahas pala, na naipit ang buntot sa mousetrap, at sa galit ay tinuklaw ang misis.

Kinaumagahan nilagnat ang misis. Naisip ng magsasaka ang karaniwang lunas sa lagnat: chicken soup, kaya kinatay at isinabaw ang manok.

Miski tinignan na ng doktor, lumala pa rin ang lagnat ng misis. Naghalinhinan ang mga kapitbahay sa pag-aalaga sa kanya. Para mapakain sila, kinatay ng magsasaka ang baboy at inulam.

Sa kasawiang-palad yumao ang misis, at nagsidating ang mga kanayon para makiramay. Kinatay ng magsasaka ang baka para may makain ang mga nag-aabuloy.

Mula sa butas niya sa dingding, malungkot na sinaksihan ng daga lahat ng nangyayari.

Aral: Ang problema pala ng isa ay problema ng lahat. Ang peligro sa isa ay peligro sa iba. Magkakasama tayo sa lakbay ng buhay, kaya’t alalahanin, alagaan ang isa’t isa.

Social Parasite

Walang masama sa pagiging parasite paminsan-minsan. Hindi yon maiiwasan lalo pa at hindi sa lahat ng panahon ay may kalabisan o kaginhawaan tayong natatamasa sa buhay. Bahagi din kasi ng kultura natin ang panlilibre at pagpapalibre. Sabi nga, wala na raw mas sasarap pa sa mga bagay na nakuha ng libre.

Subalit lahat ng sobra ay masama. Ang panghihingi ay hindi nagiging katanggap-tanggap kung madalas itong ginagawa at dito na lang umaasa ang isang tao. Wala ng pagsisikap at pagbabanat ng buto dahil mayroong inaasahang taong mahihingan ng tulong o agad agad malalapitan sa oras ng pangangailangan.
Ilan lamang sa mga halimbawa ng social parasitism (sa aking pananaw) ay ang mga sumusunod:
  • Panlilimos.
  • Pangongotong (mga sigang nanghaharang ng dyip, pag hindi nagbigay bubutasin ang gulong, marami nito sa Divisoria)
  • Madalas na pangongopya ng assignment o sagot sa exam.
  • Madalas na pangungutang ng pera na hindi naman binabayaran.
  • Madalas na pagpapalibre ng pamasahe.
  • Pagtira sa poder ng magulang kahit may sariling pamilya na at magulang pa rin ang gumagastos.
  • Pagpapa-alaga sa mga apo sa kanilang mga lola nang walang binibigay na sapat na pantustos.
  • Pakikikabit ng kuryente o tubig sa kabitbahay nang di nagbabayad nang tama at sa oras. (jumper ata tawag dun, nagiging dahilan pa ng sunog)
Ang pagkunsinte sa mga gawaing ito ay direktang pagtuturo sa isang tao ng kultura ng katamaran at pagiging pala asa. Kaakibat ng pagiging parasite ang kawalan ng disiplina, pagiging iresponsable at kawalan ng kapasidad na makatayo sa sariling mga paa.

Bagamat masarap ang mga bagay na libre, dapat ay balanse. Kung ngayon ay ikaw ay nagawan ng pabor bukas ay ikaw naman ang magbigay nito. Dahil para sa isang harmonious na pamumuhay, symbiotic dapat ang relationship, hindi parasitic.

Hindi Nakakaawa ang mga Babaeng Narerape Dahil sa Kalasingan

Isa kang malaking TANGA. Yan ang mensahe ko sa mga babaeng biktima ng rape dahil sa kalasingan. Mga babaeng alam naman nila na maaari silang mapahamak sa pakikipag-inuman sa mga lalaki ngunit paunlak pa rin ng paunlak.Laklak dito, laklak doon. Kapag nababoy na ang kanilang pagkababae ay walang magawa kundi ang mag-iiyak at isisi sa mga kainuman ang mapait na pagkawasak ng kanilang hymen at pagkayurak ng kanilang dignidad bilang babae.

Kung tutuusin sino ba ang tanga na pumayag makipag-inuman sa mga lalaki?Tipong ikaw lang ang babae subalit pumayag ka pa rin. Eh di ginusto mo rin ang nangyari sa iyo dahil umpisa pa lang puwede kang humindi sa paanyaya pero sa kasabikan mo sa alak at sa mga lalaki ay pumayag ka. Rape with consent.

Linggu-linggo na lang ay laman ng balita ang mga babaeng biktima ng gang rape. Na kesyo niyaya ng mga barkadang lalaki, mga kapatid sa fraternity, barkada ng pinsan, barkada ng kapitbahay, barkada ng kaupisina, barkada ng kapitbahay, barkada ng boyfriend at kung kani-kaninu pang barkada.

Bawat kuwento ay pare-pareho lang. Ilang shots pa lang nahilo na. Gusto nang umuwi pero pinigilan. Dinala sa kwarto at hinubaran. Nanlaban ngunit walang lakas. Pinilahan. Pagkagising ay hubu’t hubad na. Masakit ang katawan at kaselanan.

Sa mga kuwentong ito sino ang tanga?Sino ang may kasalanan?Sino ang matigas ang ulo at walang pinagkatandaan?

Kung yun ngang tatay, kuya, pinsan, boyfriend o kahit bestfriend ay walang katiyakan ang seguridad ng isang babae kapag sila ang kasama yun pa kayang mga taong noon mo lang nakilala?

Tandaan na ang sex ang pinakamatindi at pinakamalakas na human instinct. At sa usaping ito, lahat talo talo - mapalasing man o hindi.

Kaya BABAE, maging matalino ka dahil laging nasa huli ang pagsisisi!