Tuesday, May 1, 2012

Ang Moralidad sa Mundo ng Showbiz

Tila bahagi na ng kultura ng Philippine showbiz industry ang palitan ng mga asawa. Ang mga fairytale na pag-iibigang madalas ay nauuwi sa hiwalayan. Dumadagsa ang mga aktres na may mga anak sa iba-ibang ama. Naglipana ang mga anak sa labas at mga anak sa pagkabinata at pagkadalaga. Ang paglilive-in ay tila nakaukit na sa kamalayan at ang mga sirang pamilya ay pangkaraniwan na.

Kapuna-puna na ang pagpapalit ng kasintahan ng mga artista ay animo pagpapalit lang ng underwear. Sweet ngayon, away na bukas. Magiging abala daw sa mga kanya-kanyang career. Manlalamig sa isa’t isa. Magkakaroon ng third party. Magiging headline ng balita ang hiwalayan. May magpapainterbyu sa talk shows at magpapaawa sa publiko. Mabibigyan ng simpatya dahil mukhang aping-api. Sa susunod na linggo, laman ulet ng headline dahil may bago na raw pag-ibig. Ang dating paiyak-iyak dahil sa break-up, may bago na naman.

Sa ganitong kalakaran, parang ang hirap nang malaman kung mayroon pa nga bang sinseridad, totoong pagmamahal at respeto ang mga relasyon sa showbiz. Kaya nga siguro naimbento ang expression na “showbiz na showbiz”. Tila gumagawa na lang ng eksena at ingay ang mga artista para mapag-usapan. Sinasalamin na nila ang pagiging syota ng bayan. Ganoon ba talaga kapag magaganda?Kailangang matikman ang isa’t isa?

Mas masalimuot ang usapin ng mga artistang may mga anak kay ganito at mga anak kay ganoon. Mga aktres na akala mo mauubusan ng lalaki sa mundo. At mga aktor na ginagawang hobby ang pagpupunla ng semilya sa iba’t ibang obaryo. At sa paglaki ng kanilang mga anak ay ganoon din ang sasapiting kapalaran sapagkat iyon ang kinamulatan.

Maraming aktres na ang nabuntis sa pagkadalaga at ang masaklap dito ay hindi pinanagutan ng kanilang karelasyon. Walang matrimonya o kahit live-in man lang. Tanging pinansyal na suporta at presensya ang binibigay sa mga anak. Dumarami tuloy ang mga batang hindi buo ang pagkatao. At ang mga iniwang dalagang ina? Maghahanap ng kapwa artista, pulitiko o kaya ay negosyanteng mapapangasawa na siyang masasandalan sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa pagkadalaga at kapusukan.

Ang mga ganitong senaryo at kuwento ng mga magkakarelasyon sa showbiz ay pinagpipyestahan ng taumbayan. Nagiging laman ng tsismisan ng mga karaniwang tao na akala ay tama at normal lamang ang mga ito. At dahil sa tila pangkaraniwan na lamang ang mga mashowbiz na relasyon at hindi naman kinokondena ng Simbahang Katoliko, ito ay nagiging katanggap-tanggap na sa lipunan. Hindi ako magtataka kung darating ang panahon na ang mga ganitong kondisyon ang siyang magiging pamantayang moral ng mga taga showbizlandia.

No comments:

Post a Comment