Tuesday, May 1, 2012

Pulitika. Pilipino. Pilipinas.

Maraming mali sa desisyon at pamamalakad ng gobyerno. Maraming pulitiko ang patuloy na umaabuso sa puwesto at umuubos sa kakarampot  na pondo ng bayang pinagkaitan ng pagbabago. Maraming naka-barong na buwaya at mandarambong sa Batasan na kailanman ay hindi mapaparusahan dahil sa lakas ng kanilang impluwesiya at kapangyarihan. Sa kabila nito, maraming Pilipino ang patuloy na nagbubulagbulagan at nagbibingi-bingihan sa tunay na kalagayan ng ating lipunan. Sadya ngang napakahirap gisingin ng mga taong nagtutulug-tulugan. 

Ito ay isang katotohanan. Ito ay isang mapait na realidad ng buhay sa isang bansang may kalayaan at soberanya ngunit walang tunay, buo at matatag na demokrasya. 

Sa isang gobyernong nagsusulong ng RH Bill ngunit walang sapat na health center at libreng gamot, mga nars na sa call centers bumabagsak, mga baryong sa albularyo umaasa dahil walang doktor, hindi matugunang problema sa dengue, tumataas na insidente ng AIDS, hindi tumatanggap sa pampublikong ospital ng mga walang pambayad, ano ang dapat nating asahan?

Sa isang gobyernong nagpapatupad ng K+12 program subalit walang sapat na bilang ng guro at pampasuweldo, mali-maling laman ng textbooks, binabahang silid-aralan, kapiranggot na chalk  allowance, binawasang budget sa edukasyon, daan-daang school buildings na hindi na matibay laban sa lindol, ano ang dapat nating asahan?

Sa isang media na ginagawang bayani ang mga pulitikong nandaya sa eleksyon; mga teleseryeng palagi na lang tungkol sa mga inang nawalan ng anak, ninakaw na anak at pinagpalit na mga anak; mga batang nagsasabunutan sa kung sino tunay na heredera; mga problema ng kapitbahay at magpapamilya na dinadala sa telebisyon, magkakabati sa harap ng kamera at pagkatapos ay tatanggap ng talent fee, batang pinagma-macho dancing ng tatay, ano ang dapat nating asahan?

Sa isang bansang ang korapsyon ay isang kultura, ang sining ay ginagamit pangkutya ng pananampalataya, ang facebook at tweeter ay pambansang adiksyon, ang pagtaas ng presyo ng langis ay mas mataas pa sa grado ng performance ng pangulo, tone-toneladang metriko ng bigas ay nabubulok at iniinsekto habang marami ang namamatay sa gutom, ano ang dapat nating asahan?

Sa isang bansang mas sikat pa si Lady Gaga kaysa kay Jose Rizal, naglipana ang mga pulis na walang pinagkaiba sa kriminal na kanilang tino-torture, naihahalal ang elitistang kumakatawan sa mga dyanitor at gwardiya, nakakalabas ng bilangguan ang mayayamang bilanggo, nagiging icon ng masa ang mga babaeng lumalabas sa media para sabihing nahawaan sila ng STD ng kanilang kasintahan at bukas makalawa may bago na namang lalaki sa buhay nila, ano ang dapat nating asahan?

Sa isang bansang pinapatay ng jejemon at bekimon ang wikang pambansa, ino-offer ang nursing ng IT schools, ang pagiging drug courier ay ginagawang propesyon,  binibigyan ngmilyong pabaon ang AFP officials, nanununtok ng sibilyan ang mga alkalde at kongresista, pabagu-bago ng desisyon ang Korte Suprema, ano ang dapat nating asahan?

Sa isang probinsiyang ang gobernador ay ang tatay, ang bise-gobernador ay ang nanay, ang mayor ang anak na lalaki, ang vice-mayor ang anak na babae, ang mga kongresista ay mga tiyuhin at tiyahin, ang mga konsehal ay pinsan - sa mga angkang ito na ginawang kabuhayan ang kinabukasan at pag-asa ng bayan, ano ang dapat nating asahan?

Anong klaseng matuwid na daan ang ating tatahakin kung ang mismong mga konkretong daan sa bawat mahihirap na munisipalidad sa bansa ay hindi pa rin nagagawa? Nasaan ang liwanag ng pag-asa gayong ilang libong baryo pa rin ang nabubuhay sa dilim? Hanggang kailan magtitiis sa uhaw ang mga lupang tigang at tuyot na lalamunan? Kailan uusad ang biyahe sa mga daang matrapik at konting patak ng ulan ay nagiging karagatan?
Kung nakakapagsalita ang monumento ni Rizal, ano kaya ang masasabi niya sa Luneta, ang kanyang tahanan, na ngayon ay pinamumugaran ng mga palaboy? Sasang-ayon pa rin kaya si Ninoy na Filipinos are worth dying for kapag nalaman niyang isinusulong na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang taong naging dahilan para makitil ang kanyang buhay?

Ayaw ng Simbahan sa abortion pero talamak ang bentahan ng pampalaglag sa tabi ng mga Simbahan. Ayaw natin sa diborsiyo samantalang maraming kababaihan ang biktima ng domestic violence.Palaging nakikialam ang Simbahan sa mga polisiya ng gobyerno pero tumatanggap ng magagarbong sasakyan bilang regalo ang ilang nitong miyembro.

Malaki ang naging dagok sa ating mga buhay matapos ang pananalanta ni Ondoy at Sendong ngunit hanggang ngayon ay kinukunsinti pa rin ng gobyerno ang large-scale mining. Ano na ang nangyari sa Clean Air Act at Solid Waste Management Act? Tila dumadalas ang insidente ng fish kill subalitkumakaunti ang sightings ng mga butanding.Pati mga walang muwang na tuko ginagawang hanapbuhay. Pati nananahimik na buwaya kinukuha sa natural na lungga niya. Kasalanan ba niya kung ang teritoryo niya ay pamahayan ng iba?

Sa sobrang hirap ng buhay, maraming Pilipino ang umaasa na lang sa mga noontime show at pagbebenta ng kidney. At sapanahon ngayon, kahit sa loob ka pa ng mall wala ng seguridad, saanman may barilan ng mga magkasintahang hindi nagkakasundo. Bukas makalawa, tataas na naman ang presyo ng gasolina, toll fee, pamasahe sa LRT at MRT, tuition, presyo ng bigas at iba pang bilihin. May mabibitay na naman sa ibang bansa. May makakalaya pagkatapos ng ilang dekadang pagkakabilanggo. May magpa-planking na naman sa kalsada para manawagan sa gobyernong panay nagmamalaki na maraming nadadalang investment sa Pilipinas subalit lumulobo ang mga walang trabaho at underemployed. Higit sa lahat, may mali-link na namang babae sa ating Pangulo.

Ang Magna Carta of Students, Anti-Political Dynasty Bill at Freedom of Information Bill ay aamagin at aanayin na lamang sa apat na sulok ng Kongreso. Sa mga susunod na panahon, sa pagmulat ng ating mga mata hindi na bahagi ng Pilipinas ang Mindanao. Hindi matatapos ang giyera sa Lupang Pangako sapagkat hindi mga militante ang tunay na kalaban kundi ang kahirapan. 

Milyong Pilipino ang salat sa edukasyon. Tila sinasadyang gawing mang-mang ang ating mga kababayan, lalo na ang indigenous people, para madaling maimpluwesiyahan tuwing eleksyon. Isang kilong bigas lang ang katapat ng mga sikmurang salat sa laman at sustansiya. Ayaw alisin ang mga iskwater sa lungsod. Hindi dahil sa walang malilipatan. Hindi dahil sa walang pondo. Sayang kasi ang dagdag nilang boto.

Hindi malayong isang boksingero ang ating maging pangulo. Sino ang makapagsasabi? Kung yon ngang pinatalsik sa puwesto, muling kumandidato, pumangalawa pa sa dami ng boto. Ang mga artista sumasabak sa pulitika kapag alam na nalalaos na. Sa pulitikang mayroon tayo, lahat posible. Lalo pa at may Hello Garci. Kapag pinatawag ka sa Senado, sampu ng iyong angkan, walang dapat ikatakot, puwede namang magsakit-sakitan at mangibang-bayan para sa diumanoy kalusugan. Magandang istratehiya din na pagkababa sa puwesto ay kumandidato sa Kongreso para may immunity laban sa tone-toneladang kaso. 

Sa araw ng eleksyon, muling tatakbo ang mga pulitikong nandaya, bumaba sa puwesto at ginawang bayani ng media. May maninindigan na naman na siya ay hindi tiwali subalit kapag nasulong ang impeachment case biglang bababa sa puwesto at magkukubli. May magpapatiwakal dahil sa tawag ng konsensiya. At sa mga susunod na SONA wang-wang na naman ang ibibida.

Sa mga susunod na taon, may mga bagong pakulo, eksena, isyu, anomalya, eskandalo at ingay ang ibabalita ng media at pag-uusapan sa mga barberya. Gaya ng Senado na palaging may ginigisang mga pulitiko ngunit walang napaparusahan, ang mga ingay na ito ay mamamatay lang din. Mababaon sa limot. May mga bagong pangyayaring lulutang para takpan ang kasalukuyang pinag-uusapan. Subalit ang tunay na ugat ng suliranin ay hindi masosolusyunan.

1 comment:

  1. sir anung way para makapag communicate ako sa inyo? hihinge lng po sana ako ng payo. nagawa po kasi ako ng academic paper "ang pulitikong pinoy"

    ReplyDelete