Tuesday, May 1, 2012

Mapagpalaya

Isang Mapagpalayang Araw!

Iyan ang bating ginagamit ko sa lahat ng pinupuntahan kong pagtitipon - pormal man o hindi.

Sa bawat pagpapakilala sinisimulan ko rin sa ganoong pambungad. Minsan ay sinasamahan ko ang aking pagbati ng mga salitang “mapagpala” at “mabiyaya” subalit hindi nawawala ang “mapagpalaya”.

Sa mga taong may malalim na kamalayan at kamulatan, natutuwa sila sa pagbati ko. Alam nila ang kahulugan at esensiya nito. Sa mga taong ordinaryo at mababaw ang pag-iisip, madalas nila kong palihim na tinatawanan at bumubulung-bulong pa na “bakit nakakulong ba tayo?”.

Minsan, may isang pilosopo na sumagot sa ‘kin. Pagkatapos kong bumati, ang sabi niya, “pinapalaya na kita”, sabay tawa. Napangiti naman ako. Sa loob-loob ko, isa kang malaking istupido.

Bakit nga ba mapagpalaya gayong malaya naman tayo? Wala na tayo sa panahong kolonyal o kaya panahon ng martial law. Mayroon namang demokrasya sa bansa. May kalayaan ang mga taong magpahayag ng kanilang saloobin laban sa gobyerno. May sapat na kalayaan upang gawin ang ninanais. Higit sa lahat, may kalayaang mabuhay at makapamuhay nang maayos.

Subalit, sa aking pananaw hindi sapat ang kalayaang ito. Isa lamang itong superpisyal na konsepto ng kalayaan.

Sinasabing ang taong malaya ngunit kumakalam ang sikmura ay hindi tunay na malaya.

Hanggang may mga hapag na nagdidildil ng asin, may kumakatok sa bintana ng sasakyan upang magtinda ng basahan at sampagita, may kumakalkal ng basura at may kumakapit sa patalim para may maipakain sa bibig ng pamilya, patuloy tayong nakakulong sa selda ng kahirapan.

Hanggang may mga taong tiwali sa gobyerno, nanlalamang sa kapwa, hindi nagsisilbi ayon sa kanilang mandato, nagnanakaw sa kaban ng bayan, tumatanggap ng suhol at kumakamkam sa hindi nila pag-aari, patuloy tayong nakagapos sa lubid ng korapsiyon.

Hanggang may mga kabataang hindi nakakapag-aral, may pamilyang walang maayos na tahanan at hanapbuhay at may komunidad na walang programang pangkalusugan, maayos na ospital, kalsada, kuryente at patubig, patuloy tayong nakalubog sa kumunoy ng bayang pinagkaitan ng karapatan sa disenteng pamumuhay.

Hanggang may diskrimnasyon sa mga kababaihan at third sex, may manggagawang walang sapat na sahod at benepisyo at may kawalan ng hustisya lalo na sa mahihirap, patuloy tayong nakatali sa sumpa ng kawalan ng pagkakapantay-pantay.

Hanggang tumataas ang presyo ng bilihin, krudo at gasolina, matrikula, pamasahe, toll fee, singil sa kuryente at tubig at iba pang serbisyo, patuloy tayong nababahiran ng putik ng kapitalismo.

Hanggang may paglabag sa ating karapatan at may umaapak sa ating dignidad at pagkato, walang kalayaan.

Muli, isang mapagpalayang araw!

No comments:

Post a Comment