Tuesday, May 1, 2012

SI MARIA CLARANG LIBERATED

May kulay na buhok na nakalugay, mapula at nangingintab na labi, makapal na make-up, prominenteng mga pilikmata, nag-uumpugang mga hikaw, naka-spaghetti straps at miniskirt, tone-toneladang aksesorya sa leeg at kamay, mahahaba at may kulay na mga kuko, mataas at matulis na mga takong.

Ako ang bagong mukha ni Maria Clara.

Kasabay ng paghubad sa mainit at mabigat na baro’t saya at sa pag buyangyang sa aking katawan ay ang pagbabago sa aking kilos, gawi, pananaw at paniniwala sa buhay.

Sa likod ng aking makapal na make-up ay ang tibay ng aking paninindigan na ipaglaban ang aking estado at papel sa lipunan. Hindi na ako nakahawla sa paggawa ng mga gawaing bahay, pag-aalaga ng mga anak at paghihintay sa pag-uwi ng aking asawa. Mayroon na akong karapatang magkaroon ng sapat at pantay na edukasyon.

Sa likod ng aking mapula at makintab na lipstick ay ang pagkakaroon ko na ng boses sa lipunan. Naipahahayag ko na ang aking mga saloobin at pananaw bilang isang babae. Mayroon na akong karapatang humalal at maihalal sa mga matataas na puwesto sa pamahalaan.

Sa likod ng aking naglalakihang mga hikaw ay ang taingang hindi na basta basta nakikinig at sunud-sunuran sa utos at tradisyon ng dominante at patriyarkang kultura. Mayroon na akong kalayaang lumabas sa apat na sulok ng aking tahanan at humawak ng mga gawain sa komunidad. Mayroon na akong karapatang makapamili at magkaroon ng sariling hanapbuhay, propesyon o karera.

Sa likod ng aking may kulay at mahahabang kuko ay ang kamay na handa nang lumaban sa mga pang-aabusong ginagawa sa akin lalo na ng aking asawa at ng mapanghusgang mata ng lipunan. Hindi na ako isang basang sisiw na nananaghoy sa isang sulok at nababalot ng takot. Marunong na akong magtanggol sa aking mga anak, sarili at sa aking mga karapatan bilang isang babae.

Sa likod ng aking maiksi at hapit na mga saplot sa katawan ay ang kalayaang makagalaw nang walang anumang limitasyon at bahid ng pagpapanggap. Naipahahayag ko na ang aking indibidwalidad sa paraang alam at ninanais ko. Mayroon na akong kalayaang ipakita at ipagmalaki kung sino at ano ako.

Sa likod ng aking mataas at matulis na mga takong ay ang kalayaan na tumayo sa aking sariling mga paa. Mayroon na akong pagkakataon na ibahagi ang aking talento, kakayahan at kasanayan bilang isang babae. Nagagawa ko na rin ang mga bagay na dati rati’y pawang kalalakihan lamang ang nakagagawa at pinahihintulutang gumawa.

Ilang daang taon akong inalipin at dinusta ng hunyangong kultura, ipokritong lipunan at bulaang pananampalataya. At sa aking paglaya sa tanikala ng mapanghamak na lipunan ay ang aking transpormasyon mula sa konserbatibo at di makabasag pinggang si Maria Clara tungo sa isang malaya, matapang at naninindigang Pilipina.

Kasabay ng aking paghithit-buga, pag indayog ng balakang sa paglalakad, haliparot na pagtawa, pag-iksi ng saplot, paggaslaw ng paggalaw at pagkawala ng abanikong tinatakip sa bibig sa tuwing mangungusap ay ang katotohanang mas nararamdaman ko ngayon ang mga karapatan at kalayaang matagal na panahon kong inasam-asam.

Mas dama ko ngayon ang pagiging isang tunay na babae.

No comments:

Post a Comment