by Joy Bagas
Walong piso, ibinayad ko bilang pamasahe, pinagpasapasahan ng ibat-ibang palad hanggang umabot sa drayber.
Halos magpantig ang tenga ko sa lakas ng tugtog sa dyipning
sinasakyan ko. Tirik na tirik ang araw na parang niluluto ang aking mga
balat, unti-unting nalalapnos. Ang lalamunan ko’y tila uhaw na uhaw na
madampian ng kahit isang patak ng tubig. Nagsimulang gumala ang aking
mga mata. Nangungusap at nag iisip na tila winawangis ko ang buhay sa
mga nakasanayang mapanuod sa telebisyon ang kung anumang buhay mayroon
ang mga taong nasa paligid ko.
Katabi ko sa aking kanan ang isang lalaking nakasunglass at mayroong
nakapasak na earphones sa kanyang mga tenga. May sarili siyang musikang
pinakikinggan kahit na sadyang napakalakas ng musika ng sinasakyan
naming dyipni. Sinisipat ko siya. May kakisigan ngunit mukhang suplado.
Nasasagap rin ng aking mga tenga ang mga tugtuging mas nais niyang
pakinggan kahit na kasing lakas ng lindol ang tugtuging nais patugtugin
ng drayber.
Nasa harap ko ang isang mag asawa. Bata pa ang wangis ng kanilang mga
mukha. Sa likod ng aking mga mata ay ang kaisipan na isa sila sa mga
nakaranas ng maagang pag- aasawa. Kalong ng bisig ng lalaki ang bunga ng
kanilang maagang pagmamahalan. Hinagkan niya ito sa noo at niyakap ng
buong higpit.
Katabi nila ang isang lalaking iba-iba ang kulay at kakaiba ang tabas
ng buhok, maluwang ang suot na damit at mayroong hindi mabilang na
hikaw sa tainga at bibig. Iniisip ko, sana naman ang lalaking ito ay may
direksyon ang buhay dahil mukhang an g aming edad ay di nagkakalayo sa
isat-isa at siya ay isang estudyante sana. Ngunit huwag sanang masamain
ang nais kong isipin, sana ay hindi siya mula sa isang tahanan ng isang
umiiyak na ina na nakikiusap sa kanyang anak na ituwid ang buhay at
magkaroon ng pangarap.
Katabi ko sa aking kaliwa ang isang lalaking makisig ang pustura. Ang
kanyang makisig na amoy ay umaabot sa aking ilong na tila nakalimutan
ko na na ayaw kong malanghap ang maitim na usok ng lansangan. Sabi ko sa
aking sarili’y marahil ang lalaking ito ay pinalad sa buhay. Mayroon
siyang magandang trabaho at isang haligi ng tahanan, buong buo ang
dignidad para magtagpo ang bawat dulo sa pagraos ng araw-araw. May mga
anak na wagas at dalisay ang mga ngiti sa labi sa tuwing siya ay uuwi
dahil sa kanyang mga binalot na pasalubong.
Sumakay ang isang estudyante . Naupo siya sa dulong bahagi ng dyip
sa likod ng drayber. Umaandar ng mabilis ang dyip kasabay ang mabilis na
tugtog habang ang aking mga mata ay pirming sinisipat ang estudyanteng
bagong sakay. Babangga! Napahigpit ang aking kapit sa hawakan sa kisame
ng dyip kasabay ng mabilis na takbo ng aking dibdib. Kasunod nito ay ang
isang malakas na preno. Naipit ang kasasakay pa lamang na estudyante na
kasasakay lamang kung kaya’t bumalik sa kanya ang aking mga mata. Bakas
sa kanyang mukha ang ilang gabi ng pagsusunog ng kilay. Narinig ko ang
kanyang boses “ Manong, bayad po, Cypress, Estudyante!” . Mga
ilang taon pa kaya siyang magbabayad sa dyipni kakabit ang salitang
estudyante upang magkaroon ng diskwento sa pamasahe. Pagkatapos ng ilang
taong iyon, nabago na kaya ng isang papel na tinatawag na “Katibayan ng
Pagtatapos” ang kanyang buhay na gawin itong mas maaliwalas o mas
matiwasay. Makahanap kaya siya ng magandang trabaho sa bayang mismong
kinagisnan o isa siya sa mga makikipagsapalaran sa ibang bansa.
Huminto ang dyip sa may stoplight. May tatlong taong bumaba. Sumakay
ang isang matanda. Inalalayan ito ng dalawang lalaki na nasa dulo ng
jeep at duon na rin sa bandang dulo umupo ang sumakay. Nag- abot siya ng
kanyang pamasahe. “Mama, bayad, senior ho parola lamang.”
Inabot at pinagpasa-pasahan ang kanyang mga inabot na barya hanggang
makarating sa driver. Nagpasalamat ang kapwa naming pasahero. Nag salita
siya sa kanyang katabi at nakiusap “ Iha, ituro mo naman sa akin ang simbahan na malapit sa parola” Sumagot ang babae, “ Ay sige po, sasabihan ko po kayo, malapit lapit na po tayo.” Nagpasalamat ang matanda.
Napag-isip ako ng malalim. Kasakay ko sa dyip at nasa iisang maliit
na mundo ako at ibat-ibang tao mula sa ibat- ibang yapak ng buhay. Ang
lalaking nasa aking kanan na may sariling musikang pinapakinggan,
gumagawa ng sarili nyang mundo at may sariling kinahihiligan. Ang
mag-asawang bata pa na sana’y maibigay ang karapatan at isang magandang
buhay sa kanilang anak.Ang lalaking ibat-iba ang tabas ng buhok at
maraming hikaw na sana nga ay tumulong sa pagbuo ng lipunan. Ang
lalaking mabango at makisig na sana’y gawing ihemplo ng maraming ama.
Ang estudyanteng sana ay maglingkod sa bayan simula sa araw ng kanyang
pagtatapos. At ang matandang babaeng sumakay na nag-abot ng kanyang
pamasahe bilang Senior Citizen at nagbigay ng kabuluhan sa isang oras
kong byahe. Naisip ko, sana ang pag-unlad kasing simple ng pagsakay sa
dyip. Naroon ang ibat-ibang uri ng tao at ang problema ng lipunan ay
parang ay pamasahe, nagtutulungan na makaabot sa dapat patunguhan,
pinagpapasapasahan ng mga taong hindi magkakakilala matapos ay
nagpapasalamat at aandar ang dyip sa destinasyon nito. Katulad din ng
babaeng nagbigay ng tamang destinasyon sa matandang babae na hindi niya
kakilala at hindi alam ang pupuntahang lugar, sana ganun din ang bawat
isa, nagbibigay ng tamang landas sa isang taong maaring maligaw.
No comments:
Post a Comment