Tuesday, May 1, 2012

Ibang Pananaw Naman sa Buhay

ni Jairus Bondoc

MARAMING pang-araw-araw na sitwasyon ang nakaiirita. Pero hindi ito makaiinis kung ibahin lang ang pananaw sa buhay at tingnan ang positibong mensahe sa kabila ng sitwasyon.

Halimbawa:

Magpasalamat: Miski igiit ni misis na puro painit lang ang hapunan, kasi ibig sabihin nu’n ay nasa bahay siya kasama ka. O kung nakatutok lang buong gabi sa TV si mister, dahil ibig sabihin din ay nasa bahay siya imbis na sa bar. O kung umaangal ang anak na pinaghuhugas ng pinggan, dahil nasa bahay din siya at wala sa kalye.

Magpasalamat: Sa ibinabayad na buwis, dahil ibig sa­bi­hin ay may trabaho ka. Sa kalat na lilinisin pagkatapos ng party, dahil pinaligiran ka ng mga kaibigan. Sa pagsikip ng mga damit, dahil ibig sabihi;y kumakain ka nang sapat.

Magpasalamat: Na may aninong tila nagbabantay sa iyong bawat kilos, dahil ibig sabihin ay naaarawan ka. Sa hardin na kailangan na naman damuhan, sa bintanang kailangan punasan, at alulod na dapat kumpunihin, dahil ibig sabihin meron kang tinitirahang bahay.

Magpasalamat: Sa mga naririnig na hinaing tungkol sa gobyerno, dahil ibig sabihi’y may kalayaan kang uma­ngal. Sa parking slot sa kadulu-duluhan ng lote, kasi kaya mong lakarin. At pinagpala pa ng sasakyan. Sa laki ng electricity bill, kasi meron kang ilaw, bentilador at fridge.

Magpasalamat: Sa babae sa likod mo sa simbahan na sintonadong kumanta, dahil ibig sabihin nakakarinig ka. Sa tambak na labahin at plantsahin, dahil meron kang damit. Sa pagod at masakit na muscle pagtapos ng araw, kasi kaya mong magbanat ng buto.

Magpasalamat pati sa pes-teng alarm clock sa umaga, dahil ibig sabihin ay buhay ka.
Mabuhay nang lubos, tumawa nang malimit, at mag­mahal nang sagad sa puso.

Source: (Pilipino Star Ngayon Updated November 13, 2009)

No comments:

Post a Comment