by Maria Charisse Denise B. Bayot
Hubarin ang kamiseta at dahan-dahang tanggalin ang kawit ng bra.
Pagkalaan, dito magsisimula ang pagbabago na hindi inaasahan sa mga oras
na ika’y nasasabikan.
Ayon sa Census, ang kabuuang populasyon ng ating bansa ay tumataas
ng 2.04 porsiyento taun-taon. Mula noong Agosto 1, 2007, nagkaroon tayo
ng kabuuang populasyon ng 88,566,732 tao. Kumpara noong Mayo 1, 2000,
tayo ay nadagdagan ng 12,062,655 na tao.
Sa patuloy na pagtaas ng populasyon ng ating bansa, kasabay nito ang
patuloy na pagsilang ng mga sanggol mula sa sinapupunan ng mga ina. At
ayon sa 2008 National Demographic and Health Survey, isa sa tatlong
batang ipinapanganak o 36 pursiyento ay hindi ninanais ng kanilang
magulang (16 porsiyento) o kaya’t wala sa oras ang pagkabuo (20
porsiyento). Ang ilan sa mga nanay na lumahok sa pagsisiyasat ay ang mga
kababaihan na nakaranas ng premarital sex.
Sa premarital sex, hindi lamang maagang pagbubuntis ang
maaaring maging bunga, maaari ring kapitan ng sakit ang lalake at babae
na kabilang. Isa sa mga sakit na ito ay ang STD o Sexually Transmitted Disease. Ang
sakit na ito ay maaaring ipasa sa pamamagitin ng pakikipagtalik,
panganganak, o kahit ng pagpapakain sa suso. Ang pinakakaraniwang klase
ng STD ay ang Chlamydia, Genital Herpes, Genital Warts, Gonorrhea, Hepatitis A, Hepatitis B, Hepatitis C, at Syphillis. Ngunit,
hindi lamang STD ang maaaring makuha sa pakikipagtalik, maaari ring
makakuha ng HIV at AIDS. Hindi basta basta ang sakit na ito sapagkat
nakamamatay ito. Kagaya ng STD, maaari ito mapasa sa iba sa pamamagitan
ng pakikipagtalik, panganganak, o pagpapasuso.
Ayon sa USAID, tinantyang 8700 ang populasyon na naninirahan kasama
ng may HIV o AIDS dito sa Pilipinas noong 2009. Ngunit, 60 pursiyento
lamang sa kanila ang tumatanggap ng Antiretroviral Therapy. Sa
patuloy na paglipas ng panahon, tiyak na mas dadami ang mga tao na
mamumulat sa ganitong sakit. Habang maaga pa, tiyakin na mapipigilan ang
sakit na makapasok sa iyong katawan at paniguraduhing malakas ang
resistensya ng katawan.
Sa paglipas ng panahon, paniguradong mamumulat pa ang ating mga mata
sa mas matitinding mga pagsubok na haharapin bilang indibiduwal o bilang
bansa. Sana’y magkapit-bisig tayo upang malagpasan natin ang mga
darating sa hinaharap. Kung tayo’y magtatalo lamang dahil sa mga bagay
na hindi mapagkasunduan, wala talagang isusulong ang ating bayan mula sa
ating kinatatayuan. Sa dami ng suliranin ng bayan ngayon, sa maliit na
paraan ay unti unti nating iangat ito mula sa kanyang kinahihimlayan. Sa
dami ng maaaring negatibong epekto ng isang kaligayahan, sino
mag-aakala na magsisimula ito sa isang kawit ng bra?
No comments:
Post a Comment