by Louise Michelle C. Perez
Tila naglipana ang mga kalalakihang umiihi kung saan-saan. Makikita
mo silang umiihi sa mga pampublikong lugar tulad ng pader ng palengke,
puno sa expressway, gulong ng sasakyan, poste sa kalye at kung saan man
sila abutin. Hindi ba’t ito’y hindi kanais-nais tignan? Ngunit, ito na
ang nakasanayan ng mga Pilipino. Maaaring sa iba ay ayos lamang ito
ngunit paano naman sa mga taong taliwas dito. Maaaring sa iba ay sapat
ng dahilan ang hindi mapigilang pag-ihi ngunit paano sa iba na
naghahanap ng iba pang dahilan. Subalit, may mga tao pa nga bang may
pakilalam sa usaping ito? Kung kikilatising mabuti, maraming mas malalim
na dahilan kung bakit nga ba umiihi ang mga Pinoy sa hindi wastong
lugar.
Isa sa mga dahilan kung bakit karamihan sa mga kalalakihang Pinoy ay
umiihi sa mga maling lugar ay ang kakulangan ng mga pampublikong
pasilidad tulad ng palikuran. Mayroon nga mga urinal areas na ipinatayo
ng MMDA ngunit kulang pa rin ito. At, sino ba naman ang magnanais umihi
sa isang lugar na napakapanghi na? Maraming gusaling pang-komersyal ang
naipapatayo ngunit ang mga simpleng pangagailangan ng mga tao tulad ng
banyo ay wala. Wika nga ng isang lalaki, “Eh saan iihi? No choice na eh.
Lalo na kung ihing ihi ka na.” May mga palikuran mang naipatayo ngunit
karamihan sa ito ay may bayad. Paano na ang mga tao na maski singkong
duli ay wala sila?
Sa kabilang banda, alam ng lahat na laganap sa bansang Pilipinas ang
polusyon. Mausok dito, madumi doon at mabaho diyan. Ang ihi ay
nakakadagdag sa polusyon sa bansa. Nagiiwan ito ng mabahong amoy at dumi
sa kapaligiran. Nagiiwan din ito ng mga mikrobyo na maaaring magdulot
ng sakit sa mga taong nakatira malapit sa mga iniihiang lugar o sa mga
taong madalas na dumadaan dito. Nakakabawas ito ng kagandahan ng isang
lugar at nakakadagdag naman ng kapintasan nito. Mas nakakasira ito sa
kapaligiran.
Ang usaping pag-ihi sa kung saan mang lugar ay sumasalamin din sa
disiplina ng mga Pilipino. Alam ng lahat na ang pag-ihi ay ginagawa sa
palikuran at hindi kung saan man naisin ng isang tao. Sa halip na gawin
kung ano ang tama, patuloy pa ring ginagawa ng mga kalalakihang Pinoy
kung ano na ang kanillang nakasanayan. Isang nakasanayan na mukhang
mahirap ng ituwid. Kapansin-pansin din na nagkalat ang mga karatula na
nagsasabi ng “Bawal Umihi Dito” ngunit marami ang hindi pumapansin dito
at patuloy na ginagawa ang maling nakagawian. May mga pagkakataon din na
ito ang naituro sa kanila noong sila ay bata pa kaya naman naidala nila
ito hanggang sa paglaki.
Kaakibat na din nito ang kakulangan sa pagpapatupad ng mga regulayon.
Maaaring may mga batas nga silang ginawa ukol dito ngunit kung hindi
naman ito naiimplementa ng maayos at epektibo, wala pa ring saysay ang
mga ito. Marami pa ding pagkukulang ang mga awtoridad. Marami pa din
silang dapat tignan na anggulo para sa ikauunlad ng bansa. Subalit,
hindi lamang sila ang may sala. Sa bandang huli, nakasalalay pa rin
talaga ito sa disiplina ng isang tao. Nasa sa kanya pa rin ang desisyon
kung iihi ba siya sa maling lugar o hindi, ang desisyon kung gagawin ba
niya ang tama o mali.
No comments:
Post a Comment