Tuesday, May 1, 2012

Nakakabobo

Ano ba tong nangyayari sa kin?

Gigising sa umaga, check ng Facebook. Habang kumakain, nakatingin sa Facebook. Maliligo, magsisipilyo, magbibihis, tapos bago umalis ng bahay, sisilip kung may bagong status update. Habang nasa byahe, check ng Facebook.

Pagdating sa opisina, shempre magtatrabaho, pero may maliit na web browser screen na madaling i-minimize na nasa… hulaan nyo. Sa byahe pauwi galing opisina, pagdating sa bahay, bago matulog, Facebook. Tanginang Facebook.

Ngayon, pag wala ka yatang account sa isang social networking site, parang hindi ka nage-exist sa mundo. Sa pagkakaalala ko, nagsimula ito sa Friendster, lumipat ako ng Multiply, tapos ngayon meron na akong accounts sa Facebook, Plurk, Tumblr, Twitter, Foursquare, Gowalla, GetGlue. At alam ko hindi matatapos dyan. Madadagdagan pa yan.

Pakiramdam ko kapag hindi ako naga-update ng status ko, parang patay na ako sa mata ng ibang tao. Minsan naman, pag nag-post ako ng status, tapos walang nag-like or nag-comment, ganun pa rin, parang walang nakakakilala sa akin.

Noon, pwede kong sabihin sa yo na “hindi nagmamatter ang sasabihin ng ibang tao, gawin mo ang gusto mo”. Ngayon, ang sasabihin ko lang sa yo “bakit mo ginawa yon? kita tuloy ng buong mundo ang katangahan mo”, sabay “bilis i-delete mo na lang para hindi halata”.

Amplified na ngayon ang need to be recognized. Nakaasa na ang existence sa approval ng iba. Dahil sa paglabas ng mga social networking sites na to, naging mas mayayabang na ang mga tao. Kahit ata pag tumae ka na kasing laki ng baseball bat, ibibida mo sa status mo e (“I shat a baseball bat LOL”). Dati rati sasabihin mo lang “nakakapagod magja-jogging”. Ngayon iyayabang mo pa rin pero gagawin mong “Nike+ GPS – just finished my run: 1.53 km with a pace of 5’10″/km.”

Hindi naman ako against sa social networking. Ang tanong ko lang naman ngayon e, kaya mo pa bang mabuhay na wala ang mga social networking sites mo? Noong 2005 siguro masasabi mo na kaya mo pa. Noong 2000, ang masasabi mo siguro “wat da pek is a social networking site?”

Gusto ko lang baguhin ang pattern ng buhay ko ngayon. Imbis na mag-aksaya ako ng oras magbasa ng mga tweets ni Ely Buendia, pwede naman akong magpractice ng gitara. Imbis na tingnan ko ang photo album ng mga anak ng ibang tao, pwede namang maglaro kami ng sariling anak ko. Mas ok siguro kung imbis na maghintay ako ng status updates, gagamit na lang ako ng telepono para mangumusta ng mga tao.
Matanong ko nga, sino ba sa mga kilala mo ang hindi active sa Facebook?

Sa akin, yung isa, marami nang naaakyat na bundok. Yung isa, magiging senior manager na pero mas bata pa sa kin ng 5 years. Yung isa, hands on sa anak nya, at may padating pang baby. Yung isa, chef na ngayon sa isang hotel sa Ortigas. May pattern no?

Repeat after me:

Mas nage-exist pa ang mga tao na hindi active sa social networking sites.

Source: Chicken Sopas for my Soul by Tabachoi (November 4, 2010)

No comments:

Post a Comment